Isang Maikling Kasaysayan ng Aking Personal na Misyon na LIBRENG LIBRO: Mula sa Akin Hanggang Saanman sa Cubao
Nagsimula ako mag-makatha noon sa hayskul circa early 80s. Wala akong hangarin noon kundi ang magsulat gamit ang isang makinilya. Hahatiin ko sa kalahati ang bawat short coupon bond at kung sa palagay ko’y sapat na akong nakabuo ng isang volume ng tula sa Ingles man o sa Filipino, ito’y sisipiin ko na bilang isang libreta at gagawan ko ng isang simple ngunit makulay na pabalat.
Naitanim ko sa aking puso’t isipan na ganito ang trabaho ng isang malikhaing manunulat: ang magsulat at ilimbag ang isinulat sa manual na paraan. Saksi ang class adviser ko noong hayskul, sangkaterba yatang libreta ang lihim kong iniabot sa kaniya (hindi upang sumipsip dahil nagdedelikado ako na maka-graduate noong hayskul, kundi ito ang simula ng aking naging unang prinsipyo sa panulat: may utang na loob ako sa Bayan na umampon sa aking wika bilang isang makatha).
Fast-forward sa pagpasok ng taong 2026 at sa naging personal na misyon ko na ang LIBRENG LIBRO: Mula sa Akin Hanggang Saanman sa Cubao.
Sasabihin ko na lamang na ako’y nagsimulang maging manunulat pre-era of rapid AI development. At sasabihin ko na rin na isang di-maipaliwanag na ginhawa ng aking kalooban na balikan at balikatin kong muli ang naging simulain ko noong 80s na tinedyer lamang ako at ngayong 59 anyos na ako at ilang buwan na lamang ay senior citizen na.
Isang munting negosyo pa rin naman para sa akin ang mga librong naimprenta sa ilalim ng aking pangalan at lagda bilang kanilang awtor (may bookstore po ako dito at may ilang librong ibinebenta sa aking opisyal na website, ang manuelabis.com. Subalit para bang marahan kong nalilimas at naiwawaksi ang isang malawak, malalim, at mapamuksang dagat na nakadagan sa aking dibdib bilang isang makathang Filipino sa tulong ng aking personal na misyon na ito).
Patawad at salamat, aking Bayan at Mga Kababayan. Ito lamang ang tanging maihahandog ko sa inyo.